Saturday, April 28, 2012
“Edukado at Edukada”
Sa ating panahon ngayon, mahalaga kung may pinag-aralan ka. Sabi nila, kung may pinag-aralan ka magkakaroon ka ng isang magandang kinabukasan. Mataas ang respeto sa’yo ng tao, dahil matatawag ka ng profesyunal. Habang nagtatagal nagbabago ang edukasyon. May mga naidadagdag na kaalaman sa paglipas ng panahon, ngunit sa pagdaan ng panahon maging tao ay nagbabago na din. Kung tutuusin utang na loob natin maliban sa ating mga magulang ang edukasyon dahil sa mga nagturo nito sa atin sa paaralan, iyon ay an gating mga guro. Ngunit tila yata nagbabago na talaga ang panahon at sadyang may mga taong kumikitid ang pag-iisip kahit na edukado at edukada sila.
Malaki ang nagiging parte ng guro sa buhay ng isang estudyante. Guro ang dahilan kung bakit natututo ang isang estudyante ng mga bagay-bagay na dapat niyang matutunan. Tipikal na kung may mga katanungan ang mga estudyante sa kanila lumalapit. “Mam, ano po bang ibig sabihin nito? Sir paano po ba gawin ito?” mga katanungang pangkaraniwan na sa paaralan. Si Mam ang dahilan kung bakit ako natuto ng mga bagay na dapat kong matutunan. Si Sir ang nagturo sa akin ng mga bagay-bagay na dapat kong maunawaan. Pero sa panahon ngayon tila nag-iiba na talaga ang panahon. Si Mam, siya na ang nagiging dahilan ng kalungkutan ko. Si Mam na ang nagiging dahilan kung bakit nagkakasungay na ako. Nakarating ako ng kolehiyo at nakakilala na ng madami ng guro, pero ngayon lang ako nakakilala ng iba ang ugali. Ugaling hindi mo aakalaing tinataglay ng isang “Guro”.
Mararamdaman mo sa isang tao kung totoo ang lumalabas sa bibig niya, at kung may sinseridad lahat ng sinasabi niya. Bukod tanging ang guro na ito ang tipo ng taong hindi mo sukat akalaing may mga sikretong isyu sa kanyang estudyante. Kaya’t walang nagmamahal sa kanya marahil dahil ito sa kanyang ugali. Ang pagiging makitid ng utak ay hindi tinataglay ng isang edukadang tao, maliban na lang kung likas na talaga ang kadiliman nito sa kanyang pagkatao. May mga lumalabas sa kanyang bibig na hindi na pinag-iisipan, na tila ba walang pinag-aralan. Akalain mo!? Bakit sa ibang tao mo pa malalaman ang sinasabi ng isang guro? Hindi naman kagandahan ang mga binibigkas ng kanyang mga labi at kung bakit patuloy ang kanyang pananalita ng ganito sa kanyang mga estudyante. Mabuti na lamang at lingid sa kanyang kaalaman may mga taong kayang-kaya siya amuyin. Ganito na ba ang mga bagong guro ngayon? Walang bilib at suporta sa kanyang estudyante? Bagkus pinag-uusapan at kung anu-ano ang nasasabi tungkol sa mga ito? Kawalan ng damdamin at pang-unawa. Ilapat na din natin ang salitang “kayabangan”, habang tumatagal bakit nanganganak ang ganito nilang ugali? Isa itong malaking tanong na siyang gumugulo sa aking isipan. Kung ikukumpara mo sila noon napakalinis ng kanilang kalooban, ngunit ngayon napakadumi na at tila ba mahirap ng linisin.
Hindi sila kailangan ng paaralang ito kung ganyan ang kanilang pag-uugali. Literal na matatalino ngunit makikitid ang isipan, at higit sa lahat ay nagtataglay ng mabahong damdamin. Sa halip na isipin ang kapakanan ng estudyante, sariling kaligayahan ang iniisip. Sana sa mga susunod pang panahon may pagsusulit na din ang mga guro, “Pagsusulit ng Masasamang Ugali”. Marahil pagdating ng panahong ito masupil na ang maduduming ugali bago pa man sila magturo. Hindi koi to sinulat para siraan o pasaringan ang kung sino man. Sinulat ko ito dahil nararamdaman ko na ang kanilang pagdami. Paano mo sila tatawaging edukado at edukada? Kung ganito naman ang kanilang pag-uugali? Sa aking nakikita wala silang maitutulong na maganda sa paaralan, bagkus magsisilbi silang anay na siyang sisira sa buhay ng bawat estudyanteng mahahawakan nila. Sadyang madumi na talaga ang hangin, at dumadami na din ang nagtitinda ng maskara. Maskara na siyang tumatakip sa mga mukha ng masasama ang ugali, at hangin na nagpapadala ng masamang awra at mensahe sa ibang tao. Malaking problema ito n gating lipunan, dapat sa ganitong sitwasyon may sumupil na sa kanila.
Wala akong gustong sirain o kung ano pa man, marahil sinasabi ko lang kung anong laman ng puso at isip ko sa ngayon. Patawad ngunit totoo akong tao, sinasabi ko kung ano ang aking nararamdaman. Hindi ako mapagkunwari sa ibang tao. Hindi din ako matalinong tao, dahil ang tanging meron ako ay ang pang-unawa at isip na nagtataglay ng malalim na pag-iisip tungkol sa mga bagay-bagay. Ipagpapanalangin ko na sana Makita niyo sa inyong mga puso ang tunay na kaligayahan.
Subscribe to:
Posts (Atom)